68

Dec 16, 2017 @ 9:38
By

Pasiklaban sa Zumbathon sa Kyusi at San Juan

Idaraos bilang panghuling aktibidad sa ika-5 taong anibersaryo ng Philippine Sports Commission (PSC) Laro’t Saya sa Parke-PLAY ‘N LEARN SPORTS FOR FREE ang patibayan sa diretsong pagsasayaw at paggaya sa mga fitness instructor sa dalawang sunod na araw na zumba marathon sa tatlong parke sa Quezon City, San Juan City at Manila.

Sinabi kahapon ni PSC Research and Planning head Gloria ‘Alona’ Quintos na sisimulan ang kulminasyon ng aktibidad sa isinasagawa na pampamilyang aktibidad at pampamayanan na physical fitness tuwing weekend sa loob ng buong taon ngayong umaga sa Quezon City Memorial Circle simula alas-5:30 hanggang alas-otso ng umaga.

“Eto na ang pinakahuling aktibidad natin para malaman ang mga natutunan ng madalas na sumali sa ating programa kada linggo sa loob ng buong taon,” ani Quintos, sa LSP-PNLSF, na iniendorso mismo ng Palasyo ng Malakanyang bilang physical fitness at bonding time para sa miyembro ng pamilya habang natututo ang kabataan ng sports.

Matapos isagawa sa Sabado ng umaga sa QC Memorial Circle ay sunod na isasagawa ang Zumbathon sa malawak na lugar ng Pinaglabanan Shrine para sa mga residente ng San Juan, alas-kuwatro ng hapon.

Kinabukasan ng Linggo, Disyembre 17, ilalarga naman ang Zumbathon sa Burnham Green grounds (Carabao Area) sa Luneta Park sa Manila.

Tulad sa unang isinagawa na edisyon, libre ang pagsali sa Zumbathon at kailangan lang magpalista. May cash prizes at gift items sa mga magwawagi.

Nakataya ang dalawang kategorya, 18-40 years old para sa male at female, at ang 41-55 years old sa dalawa ring dibisyon. May premyong P1,500 para sa kampeon kada kategorya. Ang ikalawa ay may P1,000 at ang ikatlo ay may P750 premyo. Magbibigay din ng special prizes tulad ng Best Costume at Wackiest Dancer.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?