44

Mar 16, 2020 @ 15:48
By

Pasiklab nina Ancajas, Casimero walang miron

Hindi naging banta ang pagkalat ng coronavirus o COVID-19 para basta-basta i-postpone ang nakatakdang mga laban nina Pinoy boxing champion Jerwin Ancajas at World Boxing Organization (WBO) bantamweight champion Johnriel Casimero.

Ang kaibahan nga lang, posibleng walang audience o walang sisigaw na miron dahil pinag-aaralang `closed door’ ang kanilang bakbakan.

Nakatakdang makipagbangasan ng mukha si Ancajas kay Mexican Jonathan Rodriguez para idepensa ang International Boxing Federation (IBF) super flyweight title sa Abril 11 sa Cosmopolitan Las Vegas, Nevada.

Sina Casimero naman at World Boxing Association (WBA) at IBF champion Naoya Inoue ay magtatagisan ng lakas sa unification bout sa Abril 25 sa Mandalay Bay Resort and Casino sa nasabi ring bansa.

Wala pang kumpirmasyon o opisyal na anunsyo ang Nevada State Athletic Commission sa Ancajas-Rodriguez at Casimero-Inoue bouts pero tinatrabaho na ito ngayon ng kampo ni Top Rank Promotions chief Bob Arum para maplantsa na ang laban sa susunod na buwan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?