84

Jan 4, 2019 @ 15:18
By ,

Pasig nagpiyesta sa butata, Quezon City ginulat 98-95

Sa unang laro ngayong bagong taon, nagpasabog agad ang Pasig City Pirates nang tuldukan ang kanilang five-game losing skid.

Ginulat ng Pirates ang Quezon City Capitals 98-95 sa pagbabalik-aksiyon ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Datu Cup Huwebes ng gabi sa Alonte Sports Arena sa Biñan City, Laguna.

Depensa ang isa mga naging susi ng Pirates para maging pabor sa kanilang tropa ang panalo.

Umariba ang depensa ng Pasig at pinoste ang pinakamaraming blocks na nagawa ng isang koponan, 13 blocks ang ginawa nito kontra sa tatlo lamang ng Capitals.

Nanguna sa blocking department si Eduardo Doroteo na may pitong blocks, siya rin ang kauna-unahang manlalaro na nakagawa nito sa dalawang season ng nasabing liga.

Pinangunahan ni Marlon Monte ang Pasig nang irehistro nito ang kanyang career-high na 20 puntos habang umayuda naman ng 14 puntos si Argel Camacho at 13 puntos naman kay dating PBA player Jerwin Gaco.

Bagama’t nanalo ang Pirates, malayo-layo pa ang kailangang takbuhin nito para makasikwat ng pwesto sa playoffs dahil ito pa lang ang ikatlong panalo ng tropa sa 17 laro at nanatili itong kulelat sa North Division.

Isang malaking letdown ito para sa Quezon City na muli na namang bumagsak matapos umangat sa huli nitong tatlong laro at nalasap ng Capitals ang ikasiyam nitong talo sa 15 asignatura.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?