115

Mar 10, 2020 @ 22:13
By

Pasig, may 3 residenteng may COVID-19

Inanunsyo nitong Martes ni Pasig City Mayor Vico Sotto na tatlong residente na nila ang nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19).

“May positibo sa Pasig, tatlong residente,” sabi ni Sotto sa Manila Bulletin report.

Noong Lunes lang nang ihayag ng alkalde ang isang residente ng Pasig na tinamaan ng virus pero naka-confine sa isang ospital sa ibang siyudad.

Ayon kay Pasig City Disaster Risk Reduction and Management Office chief Bryant Wong, ang dalawang bagong kaso ay nakumpirma noong Marso 9 ng gabi.

Isa umanong mag-asawa ang nadapuan ng virus at naka-admit sa TriCity Medical Center sa Pasig bago inilipat sa San Lazaro Hospital sa Maynila sa kaparehong araw.

Isa raw sa mag-asawa ay nanggaling sa Taiwan.

Samantala, sinabi ni Sotto na nakahanda ang local government unit ng Pasig City laban sa banta ng COVID-19.

“Handa ang pamahalaan ng Pasig City. Ngunit kailangan nating magtulungan para TAMANG IMPORMASYON LAMANG ang kumakalat tungkol sa #Covid19,” sabi ni Sotto sa Facebook post.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?