127

Oct 20, 2017 @ 12:20

Pasay City Jail ginalugad, kontrabando bigong makalusot

Nabigong makasamsam ng mga malalaking kontrabando ang pinagsanib puwersa ng mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology , Philippine Drug Enforcement Agency at Pasay City Police sa isinagawang “Oplan Greyhound” operation sa apat na palapag ng Pasay City Jail kahapon ng umaga.

Dakong alas- 5:00 ng umaga nang masurpresa ang mahigit sa isang libong mga preso nang galugarin ng mga tauhan ng PDEA, BJMP at Pasay City Police ang kanilang mga selda sa nasabing piitan.

Halos umabot ng dalawang oras ang paggalugad ng mga awtoridad sa 16 na mga selda na may apat na palapag ng naturang piitan.

Ilan lamang sa mga nakumpiska ay 17 pirasong ballpen, 2, pako, 3 nail cutter, 4 shaver at 1 sirang electric fan, dalawang lighter , 3 toothbrush at isang improvised na lubid na pinagdugtong-dugtong na damit ang nakuha sa mga selda.

Ayon kay Pasay City Jail Warden Chief Inspector Glenn Ford Valdepenas, ang mga nakumpiska ay pupuwede pa ring makasakit o magamit din sa ibang paraan ang mga naturang bagay kaya nila kinumpiska ang mga ito.

Wala naman nakuha sa mga selda ng droga ,marijuana at sigarilyo na mahigpit na ipinagbabawal.

Sinabi ni Valdepenas, sinimulan ang greyhound operation sa ika-apat na palapag hanggang sa pangalawang palapag na kung saan kinapkapan ang bawat preso at maging ang kanilang mga hinagaan ay isa- isang itong inangat at tinanggal ang mga sapin.

“Ito pong mga nakumpiskang ballpen, toothbrush at mga pang-ahit ay puwedeng gawin matalas na makakasakit kayat ito po kahit na personal nilang gamit ay kinakailangan din poi tong kumpiskahin sa kanila” ani ni Valdepenas.

Ayon naman kay Pasay City Jail Assistant Warden Senior Inspector Orlando Alincante Jr. ito ang kauna unahan na naglunsad ng malakihang oplan greyhound at maaaring gawin na nilang regular ito dahil na rin sa mga nahuhuling kontrabando kamakailan mula sa mga bisita ng mga preso.

Ikinatwiran din nito na kaya walang nasamsam na anumang kontrabando ngayon dahil sa mahigpit na seguridad na kanilang ipinatutupad tuwing oras ng dalaw.

Sa ngayon aniya nasa 1,129 na preso ang nakakulong sa halip na 300 bilang lamang ang dapat ikulong dito. (Armida Rico)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?