53

Mar 13, 2021 @ 20:20
By

Pasaway sa face mask, distancing sa Navotas sundot ilong

Sa halip na multa ay sundot at kalikot sa ilong at lalamunan ang katapat ng mga mahuhuling hindi gumagamit ng face mask at hindi sumusunod sa social distancing sa Navotas City.

Sa panayam sa Abante Radyo Tabloidista, sinabi ni Mayor Toby Tiangco na isasalang agad sa RT-PCR test o swab test ang nga mahuhuling lalabag sa ipinaiiral na basic health protocols sa lungsod.

Wala na aniyang paiiraling multa dahil ang hinahabol ng city government ay matukoy ang lahat ng may COVID-19 para mapigilan ang pagkalat ng kontaminasyon.

“Simula Lunes, yung fine sa mga lalabag, hindi na multa. Pag nahuli kayo ay lumabag at hindi nagsuot ng face mask or hindi sumunod sa physical distancing, ang penalty po niyan ay ipapa-RT PCR test kayo, ipapa-swab test kayo,” ani Mayor Tiangco.

Nilinaw ng alkalde na ang RT-PCR test ay hindi upang parusahan at saktan ang mga taga-Navotas kundi para matukoy kaagad ang mga mayroong COVID-19.

Sa pamamagitan aniya ng swab test ay malalaman kung ang isang violator ay mayroong coronavirus at agad na maihiwalay para hindi na makapanghawa ng ibang tao.

“Hindi naman natin ginagawa para masaktan ang mga tao, gagawin natin yan para hindi kumalat ang virus dahil kapag hindi sila nagsuot ng face mask at face shield, malamang nahawaan na sila,” dagdag ni Mayor Tiangco.

Magpapatupad din aniya sila ng 3-strike policy sa mga opisyal ng barangay kaugnay sa mga mahuhuling hindi sumusunod sa basic health protocols.

Kapag nakahuli ng tatlong beses ang city enforcers sa isang barangay ay sasampahan ng administrative case ang mga opisyal ng barangay na may sakop sa mga nahuhuling pasaway na mamamayan. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?