378

Apr 9, 2020 @ 17:57
By

Pasaway, panay ang jogging! Mga residente sa BGC binalaan ni Cayetano

Nagbabala si Taguig Mayor Lino Cayetano sa mga residente nito partikular na sa Bonifacio Global City (BGC) at mga bumibisita rito na tigilan ang mga ginagawang outdoor fitness at leisure activity na ipinagbabawal dahil sa enhanced community quarantine (ECQ) sa Luzon.

Reaksyon ito ng alkalde dahil sa mga natatanggap na sumbong, video at litrato na may mga taong nagja-jogging pa rin sa labas ng kanilang mga bahay kahit may lockdown laban sa COVID-19.

Giit ni Cayetano, doble kayod ngayon ang mga frontliner para manatiling ligtas ang lahat pero lumalabag ang ilan sa mga residente ng BGC na hindi lang sarili nila ang nilalagay sa panganib na mahawaan ng virus kundi ang ibang taong nasa paligid nila.

Kaya hindi aniya siya magdadalawang-isip na arestuhin ang mga lalabag sa ECQ.

As of April 9 ay mahigit 15 na ang naarestong ECQ violators sa BGC kabilang ang mga dayuhan.

Maliban doon ay mayroon na aniyang 30 kumpirmadong COVID-19 infections sa BGC habang sa buong lungsod ng Taguig ay mayroon nang 132.

Siyam naman ang namatay habang anim ang gumaling.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?