14

Nov 17, 2021 @ 15:45
By

Pasaway na establisyimento yayariin ng DILG

Binalaan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga establisimento na babawian ng safety seal o kaya ay masususpinde ang business permit kapag hindi susunod ang mga polisiya sa minimum health standards.

Ang babala ay ginawa ni DILG Undersecretary Jonathan Malaya sa Laging Handa press briefing kasunod ng ulat na may mga establisimento na maluwag sa kanilang dining customers at hindi hinahanapan ng vaccination cards.

Personal aniya siyang bumisita sa ilang establisimento at nakitang maluwag ang mga ito sa kanilang customers.

“Ang DILG ay nagbibigay babala sa lahat ng business establishments na mapapatunayang hindi sumusunod sa polisiya at pwedeng ma-revoke ang kanilang safety seal at mawawala yung 10% additional capacity,” ani Malaya.

Kapag aniya paulit-ulit ang paglabag ay ang DILG mismo ang magrerekomenda ng suspensyon sa business permit ng mga ito.

Nanawagan si Malaya sa publiko na tulungan ang gobyerno at ireport ang mga establisimento na hindi sumusunod sa minimum public health standards.

“Humihingi kami ng tulong sa publiko na ireport ang mga establisimentong hindi sumusunod sa public health standards. Please contact the issuing authority of the safety seal, makikita po natin yan sa safety seal kung ang nag-issue ba ay ang DOT, DOLE, DTI, DILG at LGU,” dagdag ni Malaya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?