79

Jan 6, 2018 @ 20:01
By

Pasaway na DILG off’ls, employees kakalusin ni Año

Binalaan ng bagong upong si Interior and Local Government (DILG) officer-in-charge Eduardo Año ang mga opisyal at kawani na wala siyang sisinuhin at mananagot ang mga pasaway, palpak at pakaang-kaang na mga opisyales at mga kawani ng kagawaran.

Ayon kay Año, magiging mahigpit siya sa mga ipinatutupad na regulasyon sa kagawaran at kapag nalaman niya o may nakarating sa kanyang kaalaman at napatunayan ang mga palpak na trabaho ng kanyang mga opisyales at kawani ay hindi siya mangingiming patalsikin ang mga ito o patawan ng kaparusahan.

Inihalimbawa niya na tulad umano sa kanyang pinanggalingang Armed Forces of the Philippines, kapag hindi nauukol ang isang opisyal ng militar o sundalo, dapat na itong kalusin o sipain sa serbisyo.

Kasabay nito, inamin din ng bagong upong DILG OIC, na bagama’t hindi magiging madali ang pagpapatupad ng reporma sa Philippine National Police (PNP) na baguhin ang masamang tingin o impresyon ng mamamayan sa kapulisan partikular sa naganap na sunud-sunod na patayan sa ‘Oplan’ Tokhang’ para sa anti-drug war, kanyang pagsisikapan upang muling maibalik ang tiwala ng publiko sa kapulisan.

Subalit ito umano ay dadaan sa mahabang proseso at nararapat na pag-aralang mabuti kung paano nabuo ang kultura o nakagawian ng ilang pulis na pumapasok sa mga iligal na aktibidades at naliligaw sa tamang landas.

Binigyang-diin ni Año na dapat na magkaroon din ng reporma mula sa recruitment at training ng mga pulis at gamitan ng matinding kaparusahan ang mga gagawa ng kalokohan o pumapasok sa mga iligal na gawain.

Si Año ay itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang OIC sa DILG kapalit ng dating kalihim na si Catalino Cuy, na naatasan namang mamuno sa Dangerous Drugs Board.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?