101

Dec 11, 2017 @ 16:27
By

Pasaol, Tolentino matunog sa D-League draft

Naka-focus ang mga mata ng bawat scouts ng PBA D-League teams sa dalawang UAAP stars na sina Alvin Pasaol at Arvin Tolentino.

Gaganapin ngayong Martes sa PBA Cafe sa Metrowalk, Pasig ang 5th PBA D-League Rookie Draft 2017, mahigit isang buwan bago sumiklab ang 2018 season-opening PBA D-League Aspirants Cup sa January 18.

Nasa pang-walong taon na ang farm league ng PBA.

Sa ikalawang sunod na taon, ang AMA Online Education pa rin ang unang pipili mula sa 200-plus pool.

Nasa Titans ni coach Mark Herrera si big man Andre Paras, kinuha rin nilang top pick overall noong nakaraang season na si Jeron Teng.

Gumawa ng pangalan sa UAAP sina Pasaol at Tolentino, matunog ang pangalan nila na mauuna sa 201 hopefuls na nagpalista sa D-League draft.

Galing Ateneo si Tolentino, nang lumipat sa FEU ay naging mahalagang piyesa sa kampanya ng Tamaraws.

Si Tolentino pa ang isa sa nagpahirap sa Blue Eagles nang maisahan ng Tamaraws ang Ateneo sa Final Four nitong UAAP Season 80.

Bagyo ang dating ni Pasaol sa UAAP. Mula Davao, kasinglaki na ng malapad niyang katawan ang pangalan.

Laban sa De La Salle, nagsalansan si Pasaol ng career-high 49 points.

Pagkatapos ng AMA, Wangs Basketball ang second pick kasunod ang Batangas-EAC. (Vladi Eduarte)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?