45

Feb 29, 2020 @ 18:50
By

Pasaherong South Korean kailangang magprisinta ng ID papasok sa ‘Pinas

Hinihingan ng mga Bureau of Immigration (BI) officer sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal ang bawat paparating na mga pasaherong South Korean ng kanilang identification gaya ng national ID, family register o maging driver’s license upang matiyak na hindi galing ang mga ito sa North Gyeongsang province, Daegu at Cheongdo.

Ayon sa immigration supervisor sa NAIA terminal 2, kailangan umanong magprisinta ng kanilang ID ang bawat South Korean passenger para patunayang hindi sila galing sa mga nabanggit na lalawigan upang maprotektahan ang ating bansa sa pagkalat ng nasabing virus.

Sinabi naman ni Dr. Noe Revilla, animal quarantine officer-in-charge sa NAIA terminal 1, mahigpit din nilang minomonitor ang mga ipinapasok na alagang hayop na karamihan ay mga aso mula sa iba’t ibang bansa partikular ang mga apektado ng COVID-19.

Aniya, pagdating sa paliparan ay kanila umanong hinihingan ang may-ari ng pet ng veterinary health certificate, import permit at mga dokumento na nagpapatunay na nabakunahan ng anti-rabies ang kanilang mga dalang aso.

Binigyang-diin ni Revilla na kapag walang naipakitang kumpletong dokumento ang may-ari, hindi ito papayagang makapasok sa bansa at ibabalik kung saan nanggaling.

Samantala, sinabi naman ng sources sa airport, ang Japan, Thailand, Malaysia at maging ang Singapore ay maaari nang mapabilang sa papatawan ng travel ban sa mga darating na araw na mahigpit na minomonitor na ngayon ng Inter-Agency Task Force.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?