261
dead-body-soco-accident
By

Pasaherong nakipagsuntukan sa driver, natagpuang patay

Sharing is caring!

Isang 43-anyos na lalaking umano’y nakipag-away sa driver ng sinasakyang pampasaherong jeep sa lungsod ng Caloocan ang kalauna’y natagpuang tadtad ng saksak, may tama pa ng bala at wala nang buhay sa boundary ng lungsod ng Navotas at Tondo, Maynila kagabi.

Sa ulat ni Caloocan City Police Chief, Supt. Restituto Arcanghel, alas-10:45 ng gabi nang matagpuan ang wala nang buhay na biktimang si Alexander Labador sa madilim na bahagi ng southbound lane na boundary ng Road 10, Barangay North Bay Boulevard South at Road 10, Barangay 110.

Positibo siyang kinilala ng kanyang misis na si Rosalina Labador, 37, na nauna nang nag-report hinggil sa pagkawala ng kanyang mister.

Bago umano iyon, ganap na alas-otso ng gabi, sakay pa umano ng jeep na may biyaheng Sangandaan-Divisoria ang biktima sa kahabaan ng Mabini Street, Barangay 2, lungsod ng Caloocan at sa hindi pa malamang dahilan ay biglang nagkasagutan ang driver at biktima na nauwi sa suntukan.

Isang sakay din ng jeep na nagsisilbing konduktor ng driver ang bumunot ng hindi pa nalalamang kalibre ng baril at pinaputukan ang biktima.

Dito na nagkanya-kanya ng talon pababa ng jeep ang iba pang mga pasahero at naiwan ang biktima na buhay pa umano ng mga oras na iyon.

Kasalukuyan nang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya at nakikipag-ugnayan na rin ang mga ito sa mga opisyal ng Barangay 2, Maypajo upang makahingi ng kopya ng CCTV footage na posibleng nakahagip sa insidente, sa plaka ng jeep at mukha ng mga suspek.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?