151

Jul 16, 2019 @ 14:44
By

Pasahero patay sa lumubog na bangka

Nasawi ang isa katao habang nasagip naman ang 15 na iba pa matapos lumubog ang isang bangkang de-motor dahil sa sama ng panahon Lunes ng hapon sa karagatang sakop ng bayan ng Limasawa sa Southern Leyte.

Kinilala naman ang biktima na si Adelaida Araneta Palero, na nadala pa sa pinakamalapit na pagamutan subalit nasawi rin ito dahil sa atake sa puso.

Samantala, tagumpay namang nasagip ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Coast Guard (PCG), Philippine National Police (PNP) at Limasawa Rescue Team ang 12 pang pasahero at tatlong tripulante ng lumubog na MB Ruel na pag-aari at ino-operate ni Ruel Daling, residente ng Barangay Lugsongan ng nasabing bayan.

Sa ulat ng PCG Maasin station, alas-tres ng hapon nang makatanggap sila ng tawag hinggil sa lumubog na motorbanca na hinampas ng malalaking alon dahil sa napipintong sama ng panahon.

Mabilis naman ang responde ng PCG kasama ang Limasawa Rescue Team at PNP sa lugar at nasagip ang mga sakay ng bangka.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?