13,782

By

Pasahero humabol sa bus, nagulungan, patay

Patay ang isang commuter nang magulungan ng bus na kaniyang hinabol para lamang makasakay papauwi, Biyernes ng hapon sa Makati City.

Kinilala ni Police Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police, ang nasawing si Alvin Eric Aniag, 43, laborer at naninirahan sa Remaville Subdivision, Barangay Bagbag, Quezon City.

Nakilala naman ng pulisya ang driver ng nakabanggang Transport Service Bus na si David Jimena, 44, nakatira sa Maria Louisa Zabarte Road, Camarin, Caloocan City.

Mabilis na tumakas ang naturang driver at iniwan ang kanyang bus na nagresulta ng mas matinding trapik sa lugar.

Batay sa report ng Makati City Police, naganap ang insidente alas-kuwatro ng hapon sa kanto ng EDSA at Harvard Street sa may Barangay Guadalupe Nuevo sa naturang lungsod.

Ayon sa mga nakasaksi, naghihintay ng masasakyang bus ang biktima sa EDSA.

Hinabol nito ang bus na biyaheng Quezon City at sumabit ngunit nakabitaw dahil sa umaandar ang bus. Hanggang sa pumailalim sa bus ang biktima at nagulungan.

Isinugod ng mga rescuer si Aniag sa St. Luke’s Medical Center sa Taguig City ngunit nalagutan ng buhay dakong alas-4:28 ng hapon.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente habang sinampahan na ng kasong homicide through reckless imprudence sa Makati City Prosecutor’s Office si Jimena.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?