19

Nov 16, 2021 @ 15:16
By

Pasahero ‘di na kailangan face shield sa Alert Level 1-3

Hindi na umano required sa mga pasahero sa mga lugar na nasa Alert Level 1-3 ang pagsusuot ng face shield sa loob ng pampublikong sasakyan, ayon sa Department of Transportation (DOTr).

Ayon kay DOTr Undersecretary Artemio Tuazon Jr., alinsunod ito sa kautusan ng Inter-Agency Task Force (IATF) na boluntaryo na lamang ang pagsusuot ng face shield sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 1, 2, at 3.

“In line with the directive issued by the IATF (Inter-Agency Task Force), which was also approved by the Palace, wearing of face shields in areas where Alerts Level 1, 2 and 3 are in place, is no longer mandatory. It will be voluntary,” wika ni Tuazon sa isang Viber message ngayong Martes.

Sa bagong panuntunan sa face shield na aprubado na ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang mga nasa Alert Level 5 at granular lockdown lamang ang required na magsuot ng face shield.

Samantala, ang LGU at pribadong establisyimento naman ang masusunod sa patakaran sakaling ang kanilang lugar ay nasa ilalim ng alert level 4.

Ang alert level system ay ipinapatupad na ngayon sa buong bansa. (mjd)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?