46

Dec 20, 2017 @ 16:03
By

Pasahe sa eroplano lumobo ngayong holiday season – Zubiri

Umangal si Senador Juan Miguel Zubiri sa umano ay napakataas na pamasahe sa eroplano ngayong Kapaskuhan.

May dalawang linggo umano niyang napansin na “horrendous” ang presyo ng tiket.

Isinawalat nito ng senador sa gitna ng kaniyang pinangunahan na pagdinig ukol sa panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL).

May mga miyembro aniya ng Bangsamoro Transition Commission na kaniyang inimbitahan na dumalo sa pagdinig pero hindi nakasipot dahil walang pamasahe buhat sa Mindanao.

Hindi umano niya natulungan ang humingi ng pamasahe dahil walang badyet para rito ang kaniyang opisina kaya naman nanawagan siya sa Office of the President.

Dito niya sinabi na nakakaawa ang mga taga-BTC na tila umano wala pang sweldo kaya sa sariling bulsa dumukot para makadalo sa Senate hearing sabay sabi na nauunawaan niya ang sitwasyon ng mga ito dahil matindi ang pamasahe sa eroplano.

Hinimok niya si Senador Sonny Angara na chairman ng Senate committee on ways and means na imbestigahan ito.

“Kawawa naman baka out of pocket na ‘yung mga pagpunta nila dito, they come from Mindanao and the tickets these last two weeks have been horrendous. Maybe the chairman of the ways and means committee can see how much money these airlines are actually making,” sabi ni Zubiri.

Nagtataka si Zubiri sa biglang pagtaas ng pamasahe sa eroplano dahil hindi naman tumaas ang presyo ng airline fuel. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?