434

By

Pasado! Buntis sumabak sa Physician Board Exams habang nagli-labor

Napa-wow ang mga netizen sa katatagan ng isang babae matapos nitong kumuha ng board exams habang nagli-labor.

Ilang minuto lang ang nakalipas nang matapos niya ang pagsusulit ay nanganak si Eunice Stefanelle Atianzar Sibuyan.

Dobleng selebrasyon sa kanya ang nangyari dahil bukod sa nakapasa siya sa naturang exams at isa na siyang ganap na doktora ay mayroon pa siyang masisilayang baby.

Ayon sa ulat, hirap sa kanyang pagbubuntis si Sibuyan kaya sinabihan siyang mag-bed rest pero wala siyang oras na magpahinga nang mahaba-haba dahil marami siyang dapat gawin sa kanyang medical degree at para magkaroon ng lisensiya bilang doktora.

Pero ang pinaka-challenge na nangyari kay Sibuyan ay nang sumabay ang kagustuhang lumabas na ng baby niya habang nakasalang siya sa Physician Licensure Exams.

Alas-dos ng hapon huling araw ng exams, hindi inaasahan ni Sibuyan na sasabog na ang kanyang panubigan.

Narinig niya ito pero wala siyang sinabihan dahil alam niyang agad siyang itatakbo sa ospital at hindi niya matatapos ang exams.

Bilang doktora ay alam naman umano niya ang galaw ng baby sa loob ng kanyang tiyan.

Nakumpleto niya ang unang eksamin ng isang oras bago siya nag-break at minonitor ang lagay ng sanggol sa kanyang sinapupunan.

Naging mahirap sa kanya ang ikalawang pagsusulit dahil sa nararamdaman na niyang labor pain pero nagpatuloy pa rin siya sa test na nakumpleto niya ng 20-minuto.

Matapos ay nagmamadali siyang lumabas ng kuwarto pero alam niyang hindi na siya aabot sa ospital.

Buti na lang umano ay may ospital ang testing center kung saan siya nag-exams.

Alas-3:15 ng hapon nang dalhin siya sa delivery room pero bandang alas-3:28 ng hapon ay lumabas na ang baby.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?