2,010

Nov 18, 2021 @ 21:22
By

Pasabog ni Duterte: Presidential candidate nagko-cocaine

Ibinunyag ni Pangulong Rodrigo Duterte na isang kandidato na tumatakbo sa pagka-pangulo ang gumagamit ng cocaine.

Inihayag ito ng Pangulo sa kanyang talumpati sa aktibidad ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict sa Mindoro.

Sa kanyang talumpati, nabanggit ng Pangulo ang isyu ng iligal na droga.

Anak mayaman aniya ito at nagtataka siya kung ano ang nagawa nito sa bansa dahil lokong-loko sa kanya ang mga tao.

“There’s even a presidential candidate na nagko-cocaine. May kandidato tayo na nagko-cocaine ‘yan, ‘yang mga anak ng mga mayaman. Kaya nga nagtaka ako anong nagawa ‘yung tao na ito? I’m just asking. What contribution has he made para sa Pilipinas? ‘Yan ang gusto ko lang tanungin,” anang Pangulo.

Katropa umano ng kandidato ang mga anak-mayayaman sa Davao at sa Metro Manila at may-ari ng pinakamalaking banana plantation sa bansa.

Gayunman, tumangging pangalanan ng Pangulo kung sino ang tinutukoy nitong kandidato.

“Ano, bakit ang Pilipino parang lukong-luko na supporting… Magtanong lang ako sa inyo, ano ang ginawa niyan? Nagdodroga ‘yan ng cocaine ang tirada niyan, itong anak ng mga mayaman lahat dito sa Maynila pati sa Davao. Isang grupo ‘yan. Tirada niyan cocaine,” dagdag ng Pangulo.

Sinabi ng Presidente na hindi siya nang-iintriga at bahala aniya ang taumbayan na tumuklas sa katauhan ng binanggit na kandidato.

“Hindi ako nag-iintriga. Bahala kayo, find out sino. Magtanong kayo sa Davao may kilala. Ang mga taga-Maynila, yung mga mayaman talaga. May-ari ng biggest banana plantation. Kaya nagtaka ako sa mga Pilipino bigla na lang. Hindi ako naiinggit. Politika naman may manalo, may matalo. Ganoon rin ako noon eh kung walang suwerte eh ‘di wala,” wika pa ng Pangulo.

Binanggit pa ng Pangulo na ang anak ng mayamang taga-Davao na may-ari ng banana plantation ay nagpakamatay dahil umano sa iligal na droga.

“Pero itong fascination nila sa kandidato na ito, hindi talaga nila alam. Pero alam ng… yung mga mayaman sa Davao, may-ari ng lahat, banana, ang distribution kaya, nag-suicide ang anak,” dagdag pa ng Pangulo.

Sinabi pa ng Pangulo na ang tinutukoy nitong kandidato ay mahinang lider ang karakter maliban sa pangalan nito.
Pero hindi aniya nito pipigilan ang mga Pilipino kung siya ang gustong iboto ng mga ito sa darating na eleksiyon.

“Ang akin lang pagdating ng panahon, basta sinabi ko sa inyo and he is a very weak leader ang character except for the name. Pero ang tatay. Pero siya, anong ginawa niya? He may made twin hands down, okay of that is what the Filipino wants go ahead,” wika pa ng Pangulo.

 

 

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?