74

Sep 1, 2018 @ 11:30
By

Party, turista lilimitahan sa pagbukas ng Boracay

Inanunsiyo ni Interior and Local Government officer-in-charge Eduardo Año na maaring ilimita sa 19,000 turista ang maaring makapasok sa Boracay sa muling pagbubukas ng isla sa Oktubre.

Aniya ang bilang ay bilang pagkunsidera sa kapasidad lang ng isla dahil may mga manggagawa at residente pa.

“Based dun sa initial report, lumalabas the carrying capacity of the island is 55,000 people including population, workers, and tourists. Overall, tourist maximum is 19,000,” sabi ni Año.

Sinabi pa nito na kapag nabuksan muli ang Boracay sa mga turista, hindi na papayagan ang mga party tulad ng ‘LaBoracay,’ na isinasabay sa paggunita sa bansa sa Labor Day tuwing May 1.

Aniya dahil sa mga malalaking party umaabot hanggang sa 50,000 ang turista sa isla kayat kapag isinama pa ang mga manggagawa at lokal na residente ay higit 100,000 na.

“Ang plano natin sa Boracay is magiging ideal tourist resort spot na kung saan makakaasa sila na kapag nandun ka talagang peaceful, malinis at talagang maeenjoy mo,” sinabi pa ng opisyal.

Sa pagtanggap din muli ng isla ng mga turista, 3,000 hanggang 5,000 kuwarto ang magbubukas para sa kanila.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?