13

Jan 18, 2021 @ 17:04
By

Party-list system inabuso – Drilon

Kinatigan ni Minority Leader Senator Franklin Drilon ang naunang pahayag ni Senate President Vicente Sotto III na sa halip na galawin ang Konstitusyon, maaari namang amiyendahan ang Party-list System Act para matiyak na may kumakatawan sa marginalized sector sa Kongreso.

“I must admit that the party-list system has been bastardized today… It is designed for the marginalized and the under-represented through the congressional districts,” pahayag ni Drilon sa online interview ng mga reporter.

“The intention of the party-list is really open to question with the present system of election. Realistically, kung idadaan mo sa Con-Ass (Constituent Assembly) mayroong over 60 party-list ngayon, do you think they will agree to abolish themselves?” dagdag nito.

Sabi pa ni Drilon, hindi ito ang tamang panahon para buksan at amiyendahan ang 1987 Constitution.

Nauna nang naghain sina Senador Ronald “Bato” dela Rosa at Francis Tolentino noong Disyembre ng isang resolusyon na humihiling na tipunin ang Kongreso bilang isang constituent assembly para amiyendahan ang 1987 Constitution.

Ang pag-amiyenda ay limitado sa democratic representation at economic provision ng Saligang Batas.

Pinapalagay naman ni Drilon na itatakda ni Senador Francis Pangilinan, chairman ng Senate Committee on Constitutional Amendments, ang pagdinig para sa nasabing resolusyon.

“Pakinggan natin ang opinion ng resource persons. Iyan ang purpose ng committee system,” ani Drilon. (Dindo Matining)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?