48

By

Party-list System Act, pinaglalaruan ng mga politiko – CBCP exec

Kumbinsido ang isang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na pinaglalaruan ng mga politiko ang Republic Act 7941 0 Party-list System Act kaya dapat itong pag-aralan at amyendahan.

Sinabi ni Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng CBCP-Permanent Committee on Public Affairs, na malinaw naman na ginagamit ng ilang politiko ang nasabing batas kaya hindi nagagampanan ng sistema ang tunay na layunin ng batas bilang kinatawan ng marginalized at underrepresented sector sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Aniya, karamihan sa mga nanalong party-list group ay nagagamit ng political dynasty at traditional politician para mapalawak at mapatatag ang kanilang impluwensiya.

Dagdag pa niya, namamayagpag ang mga malalaking politiko sa likod ng mga party-list group dahil may kakayahan sila na tustusan ang pagbuo nito.

Ikinalulungkot ng pari na naisasantabi ang mga lehitimong party-list group na tunay na kumakatawan sa marginalized sector.

“Tulad na lang ng Cardema para sa Duterte Youth, ito ang naging mukha ngayon ng kasalukuyang sitwasyon at kasalukuyang status ng party-list system. Na-bastardize na, nahaluan na ng politika at kitang-kita natin dito na napaglaruan na ang sistema,” ayon pa sa pari.

Unang inaprubahan ng mayorya ng mga commissioner ng Commission on Elections ang usapin ng substitution ni Duterte Youth chairman Ronald Cardema bilang 1st nominee ng party-list.

Sinabi naman ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon na hindi pa maaaring maupo bilang kinatawan ng Duterte Youth si Cardema dahil hindi pa nareresolba ang ‘qualification’ nito na isang hiwalay na usapin.

Nasasaad sa batas na bilang kinatawan ng youth sector ay dapat na nasa edad 25 hanggang 30 taon gulang lang ang nominee habang si Cardema ay 33 taong gulang na.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?