85

Sep 23, 2019 @ 17:31
By

Partner ni Manoy binanatan ang GMA: Nagpabaya sila!

Binatikos ni Lilibeth Romero ang mga pahayag ng GMA at giniit na nagpabaya ang network kaya namatay ang aktor at long-time partner niyang si Eddie Garcia.

Sa pagdinig ngayong Lunes ng Senado hinggil sa mga Occupational Safety and Health Standards, Setyembre 23, 2019, kinontra ni Romero ang dahilan ng GMA na kaya hindi ito agad nagpasa ng ulat sa Department of Labor and Employment (DOLE) ay upang bigyang-respeto ang pamilya.

Saad ng partner, hindi kailanman pinakita ng kompanya ang mga resulta ng imbestigasyon sa pamilya ni Garcia.

Dagdag pa ni Romero, kinailangan pa umano nilang magmakaawa sa network makita lamang ang mga resulta.

Sa naging komento ng GMA kamakailan, sinaad nitong agad silang nagbigay ng kopya ng resulta ng imbestigasyon sa pamilya ni Manoy, maging sa DOLE.

Giniit din nilang may sapat silang bilang ng DOLE-certified safety officers na nangangalaga sa mga empleyado nito sa kada taping o show.

Hunyo 20 nang pumanaw ang 90-anyos na aktor matapos magtamo ng fracture sa kanyang cervical spine matapos mapatid sa isang wire, at bumagsak habang nasa taping ng isang TV series ng GMA.

Dahil sa trahedya, lalong tinulak sa Kamara ang Senate Bill 294 o ang “An Act Providing for Occupational Safety and Health Standards for the Workers and Talents in the Movie and Television Industry” at ang House Bill No. 181 o ang “Eddie Garcia Act.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?