232

Oct 31, 2020 @ 21:27
By

Parlade: Angel Locsin sinungaling!

Inakusahan ni Southern Luzon Command chief Lt. Gen. Antonio Parlade ang aktres na si Angel Locsin na sinungaling.

Sa programang “Diskusyon” sa Abante Radyo Tabloidisda nitong Sabado, nakapanayam ni host Aileen Taliping si Parlade kung saan sinabi ng huli na napanood niya ang interview ni Angel sa radio program ni Henry Omaga-Diaz.

Pinabulaanan niyang inakusahan niyang New People’s Army (NPA) ang aktres.

“Napakasinungaling nitong Angel Locsin. Sinabi na ako daw ay inakusahan ko raw siya na NPA siya. Never ko sinabi ‘yon. Ewan ko kung sinong nagtuturo dito kay Angel Locsin at sana sagutin na lang niya ‘yung tanong kung totoong may kaugnayan sila at ‘yung kapatid niya sa NPA,” wika ni Parlade.

“In fact kahit busy ako dito sa paghahanda sa bagyo kinakailangan nating gawin ito dahil hindi maaaring durugin ng mga artistang ito ang credibility natin,” dagdag niya.

Inilabas din ni Parlade ang isang tao na nakakaalam diumano sa naging partisipasyon ng kapatid ni Locsin na si Ella Colmenares sa NPA sa Polillo noong 1999 hanggang 2002.

Sabi ng nagpakilalang “Ka Leni”, personal niyang nakita si Ella sa kanilang lugar.

Nakasama rin daw si Ella ng ama niya sa loob ng kilusan.

Samantala, nagbabala si Parlade na unti-unti nilang ilalabas ang mga ebidensiya laban sa kapatid ni Locsin.

Ikokonsulta naman aniya niya sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict ang tungkol sa gagawing hakbang sa naging pahayag ni Locsin laban sa kanya.

Nag-react din si Parlade sa banta ni Locsin na idedemanda siya.

“Ano ‘yung allegation niya? Ano ‘yung ikakaso niya? Ako merun akong ikakaso sa kanya dahil dun sa pagsisinungaling niya,” sambit ni Parlade.

Nilinaw din niyang wala silang away ni Angel dahil nilalaro at pinapaikot lang daw ang aktres ng mga taong nakapaligid sa kanya partikular aniya ang Bayan Muna at Gabriela.

https://www.facebook.com/2267241870271571/videos/281084219787949

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?