68
Pari sa mga guro: Puksain ang fake news ng good news
Jun 12, 2019 @ 16:50
By

Pari sa mga guro: Puksain ang fake news ng good news

Hinikayat ng isang pari ang mga guro na magkaisa at itaguyod ang Catholic Education.

Sa idinaos na general assembly sa Archdiocese ng Maynila, sinabi ni Fr. Nolan Que, regional trustee ng Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP), na kailangang nakaugat sa misyon ng Simbahan na paghahayag ng mabuting balita ang kanilang maging pagtuturo.

Aniya, dapat maging kasangkapan ang mga guro sa paghahayag ng “good news” upang maiwasan at masawata ang pagkalat ng “fake news” na isa sa mga sumisira sa tao at sa lipunan.

“We have to announce good news. Fake news is never good news. Yung paninira ay hindi na dapat i-like. Kapag may siniraan ang isa, huwag mo nang ipasa sa iba. Otherwise the pain continues,” pahayag ng pari.

Hinikayat din niya ang mga guro na maging saksi at lingkod ng Panginoon sa pamamagitan ng pagpapadama sa mga mag-aaral ng presensya ng Diyos.

Aminado naman si Father Que na sa paggawa nito ay kailangan ding dumanas ng paghihirap ang mga guro.

Gayunman, iginiit ng pari na dahil sa sakripisyo ng pagsisilbi sa mga mag-aaral ay tiyak na papalitan ito ng Diyos ng kaligayahan.

Ang Roman Catholic Archbishop of Manila Educational System ay samahan ng 28 mga Catholic school mula sa Maynila, Mandaluyong, Makati at San Juan City.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?