275
Pari na nanghalay ng 17-anyos sa Pampanga, hindi kukunsintihin
Jul 5, 2019 @ 17:25
By

Pari na nanghalay ng 17-anyos sa Pampanga, hindi kukunsintihin

Tiniyak ng pamunuan ng Archdiocese ng San Fernando, Pampanga na hindi nila kukunsintihin ang paring inakusahang humalay sa isang 17-anyos na babae sa loob ng kanyang pinangangasiwaang shelter sa mga inabusong kabataan.

Sinabi ni San Fernando Archbishop Florentino Lavarias na nirerespeto ng Simbahan ang legal na proseso ng batas kaya’t nakikipagtulungan ang Arkidiyosesis sa mga awtoridad para umusad ang imbestigasyon laban kay Fr. Daniel Alvarado Baul, dating apostolate director ng Mother of Good Counsel for Abused Women and Children sa Mabalacat, Pampanga.

Sa nasabing shelter dinala ang biktima matapos umano siyang abusuhin ng kaniyang kaanak noong 2015.

Nilinaw din ng arsobispo na hindi nila itinatago at wala silang impormasyon sa kinaroroonan ng pari.

Hindi maumpisahan ang pagdinig sa kaso dahil hanggang ngayon ay hindi pa naisisilbi ang arrest warrant sa pari.

Sinabi ni Archbishop Lavarias na tiniyak ng pari na haharap ito sa korte nang huli silang mag-usap.

Sinibak na ang pari sa kanyang dating posisyon noong Marso habang isinailalim ito sa Ecclesiastical investigation. Nasa mabuting pangangalaga naman ng Simbahan ang umano’y biktima.

Nakatakas umano sa shelter at dumulog kay Brig. Gen. William Macavinta, direktor ng Philippine National Police-Women and Children Protection Center, ang umano’y biktima para ireklamo si Baul noong Pebrero.

Sa salaysay ng dalagita, pinagbantaan pa umano siya ng pari kung magsusumbong sa mga awtoridad.

Aniya, tinakpan umano ng pari ang kanyang bibig gamit ang panyo, itinali ang mga kamay at sinuntok pa sa tiyan kaya nagtagumpay ito sa kanyang intensyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?