56

By

Paras, Akhuetie, UP ginapos ang NU

Tuloy-tuloy ang pamiminsala nina Kobe Paras at ng University of the Philippines (UP) Fighting Maroons kontra National University (NU) Bulldogs, 80-77, Miyerkoles sa unang laro ng triple header sa UAAP Season 82 men’s basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum.

Sampa sa 8-4 ang Diliman-based squad para sa No.2 spot sa pamumuno ni Paras na nagtala ng 19 points, apat na rebounds, anim na assists, isang steal at isang block, katuwang si Bright Akhuetie na may double-double na 16 points at 12 rebounds, may palamuti pang tigdalawang assists at steals.

“Despite the fact that they’re (NU) already out of the (Final Four) contention, the spirit is just there,” saad ni UP head coach Bo Perasol.

Nag-ambag rin sa panalo sina Jun Manzo na umiskor ng 14 points, apat na rebounds, dalawang assists at isang steal maging si Juan Gomez de Liaño na nagtala ng 11 points, 11 rebounds, anim na assists at dalawang steals.

Sa kabilang dako, kulelat sa 2-10 ang Bulldogs, hindi sapat ang 24 points ni Dave Ildefonso, 20 points ni JV Gallego, 12 points ni Migs Oczon at 10 points ni Shaun Ildefonso.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?