66

Jan 26, 2021 @ 19:56

Parañaque Task Force nagpaliwanag sa pagposas, pagsipa sa lalaki

Nagbigay ng panig ang pinuno ng Parañaque Task Force (PTF), na nag-viral ang video ng pagposas, pagpapadapa at pagsipa sa isang lalaki sa ikinasang clearing operation sa Baclaran noong nakaraang linggo.

Sabi ni PTF Head retired Lt. Col. Rolando Santiago, sinubukan ng mga tauhan niya na pigilan si Roldan Villanueva sa “unlawful resistance” sa clearing operation noong Jan. 22.

Nagmumura raw si Villanueva at pinipilit na ibalik sa kanya ang kariton.

Si Villanueva aniya ang naunang nanlaban at gumamit ng puwersa.

“He (Villanueva) uttered foul or bad words and insisted that the metal cariton be given back to him. The initial resistance and use of force was primarily manifested by Villanueva,” ayon sa incident report na isinumite kay Mayor Edwin Olivarez, sa ulat ng ABS-CBN.

Nagpupumiglas daw si Villanueva gamit ang mga braso at kamay niya kaya isang miyembro ng PTF ang tinamaan.

Sa kabila na nasaktan ang isang miyembro ng PTF ay hindi raw ito gumanti, dagdag ni Santiago.

Nag-ugat ang insidente sa pagkumpiska ng task force sa kariton ni Villanueva, na isa umanong kolektor ng basura.

Binanggit din sa incident report na dinala ni Santiago si Villanueva sa barangay office para ipa-blotter.

Naibalik na rin aniya ang kariton ni Villanueva.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?