365

Dec 29, 2017 @ 12:08
By

‘Parak’ sa road rage case natunton na

Isang business consultant at hindi talaga pulis ang lalaki na ang pagwawala habang nagmamaneho ay viral sa social media.

Natunton ng Taguig City Police si Joseph Philip Lu Bautista, 36, isang Filipino-Chinese, sa kanyang bahay sa Aventine Town House sa Ususan, Taguig City.

Inamin ni Bautista na hindi siya pulis at siya rin aniya ang lalaki sa viral video sa social media.

Katuwiran naman nito na kaya siya nakasuot ng police athletic uniform ay kumportable ito sa kanyang katawan.

Itinanggi naman niya ang mga alegasyon sa kanya ngunit kakasuhan pa rin siya ng pulisya dahil sa iligal na pagsusuot ng police uniform.

Samantala, kasama ang kanyang mister, nagpakita na sa Taguig Police Station ang babaeng motorista na kumuha ng litrato sa pagwawala ng nakagitgitang motorista na inakalang pulis na si Bautista.

Nagbigay na rin ng kanyang salaysay ang babae at ikinuwento ang pangyayari sa Bonifacio Global City.

Sinabi ni Southern Police District Director Tomas Apolinario Jr., nais ng complainant na mabawi ang lisensiya sa pagmamaneho ni Bautista bukod pa sa hiling nitong suspendihin ang rehistro ng sasakyan nito dahil may ‘wangwang’ bukod pa sa tadtad ng police stickers. (Pinggoy Romero)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?