38
arrested-arestado
By

Parak sa Maynila, bisto ng mga kabaro sa shabu

Sharing is caring!

Isang Pulis-Maynila ang naaresto ng kanyang mga kabaro matapos na mahuli sa aktong humihithit ng shabu sa kasadsaran ng isinasagawang buy bust operation sa Lungsod ng Caloocan.

Sa ulat ni Caloocan City Police Deputy Chief for Administration Supt. Ferdie Del Rosario ay kinilala ang naarestong pulis na si PO2 Ronaldo Macayan, 48 anyos na naka-destino sa Manila Police District (MPD) at residente ng Heroes Del 96, Barangay 73 ng nasabing lungsod.

Ganap na pasado alas 2:00 ng hapon nang magsagawa ng buy bust operation ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PSInps. John Chua laban sa isang Julius Villarosa Alyas Digo sa Heroes Del 96 ng nasabing lugar.

Nang magkaabutan na ng marked money na nasa P300 at inorder na shabu ang nagsilbing poseur buyer ay doon na nakatunog si Villarosa na pain pala sa kanya ang nasabing transaksiyon, agad siyang nagtatakbo patungo sa isang bahay na umano ay nagsisilbing drug den kung saan doon naabutan ng mga alagad ng batas si Macayan na aktong humihithit ng shabu.

Mabilis naman siyang bumalikwas at nakisabay ng takbo patakas kay Villarosa ngunit naabutan pa rin siya ng kanyang mga kapwa pulis habang tuluyan namang nakatakas ang target ng operasyon bitbit ang marked money at mga shabung hinakot niya mula sa drug den bago tuluyang tumakas.

Ilang mga maliliit na lamang na plastic sachets ng pinaghihinalaang shabu at mga drug paraphenalias ang narecover sa lugar, sa ngayon ay nasa kustodiya na ng SDEU ang nahuling pulis na mahaharap rin sa kasong administratibo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?