184

Feb 21, 2021 @ 12:49
By

Parak patay, 5 pa sugatan sa banggaan sa Isabela

Kagyat na pumanaw ang isang pulis matapos pumutok ang gulong ng sinasakyan niyang police car sa Santiago City, Isabela.

Apat naman sa kasamahan niya at isang sibilyan ang nagtamo ng sugat sa insidente sa national highway ng Barangay Sinsayon, Pebrero 20 ng hapon.

Sa ulat ng pulisya, tumilapon si Patrolman Archelle Duldulao mula sa kotse, at tinamaan ng paparating na sasakyan. Agad siyang nasawi.

Bumangga naman ang police vehicle sa kongkretong bakod ng Villa Ceferina Subdivision kaya nasugatan ang drayber ng nasabing kotse na si Corporal Berna Austria, sina Patrolwomen Pauline Carlos at Riza Mae Laureta, at Police Corporal Kacelyn Tarayao na pawang mga tauhan ng City Mobile Force Company (CMFC) ng pulis Santiago City.

Sangkot din sa insidente ang isang Brown Mux SUV na minamaneho ni Liza Santos-Pua ng bayan ng Alicia; isang tricycle na minamaneho ni John Eduard Molina ng Turod Sur sa Cordon, at isang motorsiklong minamaneho ni Ivan Ray Catolico Sal ng Turod Sur.

Naglakad naman papalayo sa aksidente ang backrider ni Sal na si Aubrey Viundo Labog, na nagtamo ng ilang pasa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?