66

By

Parak napuruhan ng tulak sa buy-bust

Malubhang nasugatan ang isang operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) nang barilin ng tulak ng shabu na aarestuhin niya sa isinagawang buy-bust operation sa Quezon City kagabi.

Ginagamot ngayon sa Quezon City General Hospital ang biktimang si PO1 Jonathan Peralta, 32, nakatalaga sa Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng QCPD Talipapa Station bunsod ng tama ng bala sa likod.

Nakatakas naman ang suspek na nakilala lamang sa alyas na Dekdek matapos ang pamamaril.

Sa inisyal na report, dakong alas-nuwebe ng gabi nang maganap ang insidente sa Barangay Bahay Toro.

Nagsagawa umano ng buy-bust operation ang mga tauhan ng SDEU ng QCPD Talipapa Station sa naturang lugar para mahuli ang target na si alyas Dekdek na kilalang tulak ng shabu sa nasabing barangay.

Subalit nakahalata ang suspek na pulis ang katransaksiyon kaya’t bumunot ng baril at agad na pinaputukan si PO1 Peralta na tinamaan sa likod.

Sinamantala naman ni Dekdek ang pangyayari at mabilis na tumakas habang isinugod naman ng kanyang mga kasamahan sa ospital ang biktima.

Agad namang nagsagawa ng manhunt operation ang Talipapa Police upang madakip ang nakatakas na suspek.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?