137
crime-scene-dead
Dec 17, 2019 @ 16:05
By

Parak inambus ng 4 riding in tandem

Tinambangan ng apat na armadong kalalakihan na sakay ng dalawang motorsiklo ang isang pulis habang papauwi ito sa kanilang bahay galing sa duty sa Taguig City, Lunes ng gabi.

Namatay noon din dahil sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang tadtad ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan si M/Sgt. Napoleon Zamora, 45, aktibong miyembro ng Philippine National Police (PNP) na nakatalaga sa Regional Headquarters Support Unit (RHSU), Camp Bagong Diwa sa Taguig.

Sa ngayon ay patuloy na inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng apat na suspek.

Base sa ulat ng Southern Police District (SPD), dakong alas-7:20 ng gabi nang maganap ang pananambang sa biktima sa kahabaan ng MLQ Street, Purok 1, Bagumbayan sa lungsod.

Sa inisyal na imbestigasyon, papauwi na si Zamora sakay ng kanyang gray Yamaha NMAX 155 na walang plaka nang tabihan ng apat na armadong lalaki na naka-motorsiklo, at pinagtulungang barilin ang pulis.

Mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi matukoy na direksiyon matapos ang pamamaril.

Sinisiyasat pa ng mga awtoridad ang motibo sa naturang kaso gayong wala naman umano silang alam na kaaway nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?