35
Parak ginulpi ng 3 kelot sa QC
By

Parak ginulpi ng 3 kelot sa QC

Pasa at mga sugat sa katawan ang tinamo ng isang pulis makaraang pagtulungang gulpihin ng tatlong kalalakihan sa Quezon City, Lunes ng madaling-araw.

Kinilala ang biktima na si P/Cpl. Jayson Soria, 30, may asawa, nakatalaga sa Southern Police District Mobile Force Battalion, tubong Negros Occidental at residente ng DMFB Barracks Lawton Avenue, Fort Bonifacio, Taguig City.

Sa inisyal na imbestigasyon, alas-12:30 ng madaling-araw ng Mayo 6 nang mangyari ang insidente sa Hulian Market, Brgy. Unang Sigaw ng nasabing lungsod.

Nag-aabang umano ng masasakyang bus ang pulis nang lapitan siya ng tatlong kalalakihan at walang kaabog-abog ay bigla na lamang pinagtulungang gulpihin.

Hindi pa nakuntento ang mga suspek pinalo pa ng matigas na bagay sa ulo ang biktima.

Bagama’t sugatan ay nagawa pang makatakbo ng pulis papalayo sa lugar subalit sinundan siya ng mga suspek at muling binugbog.

Isang concern citizen naman ang nagmalasakit na tumawag ng barangay tanod na nagresponde sa lugar kaya nagtakbuhan ang mga suspek at tumakas.

Sa follow-up operation ng Talipapa Police Station 3, alas-10:30 ng gabi ng Mayo 7 ay naaresto ang isa sa mga suspek na nakilalang si Mark Noel Paulino, 20, binata, tindero at residente Barrio Bitek, Brgy. Gen. T. De Leon, Valenzuela City.

Patuloy namang pinaghahanap ng mga awtoridad ang dalawa pang kasamahan ni Paulino upang mapanagot sa panggugulpi sa pulis.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?