68

Jan 3, 2018 @ 13:58
By

Paraffin test sa biktima ng Mandaluyong ‘misencounter’, ‘di dapat pagdudahan – Bato

Walang dapat na pagdudahan ang pamilya ng unang biktima sa Mandaluyong ‘misencounter’ na si Jonalyn Ambaan sa resulta ng paraffin test na ginawa ng Scene of the Crime Operatives (SOCO).

Ito ang sinabi ni Philippine National Police Chief Police Director General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa matapos na magpositibo sa powder burns ang mga kamay ni Jonalyn.

Si Jonalyn ay dadalhin sana sa ospital ng mga sumaklolong sibilyan matapos itong mabaril sa isang unang insidente, nang pagbabarilin ng mga tanod at pulis ang kanilang sasakyan sa pag-aakala na ito ang mga salarin sa unang pamamaril.

Ayon kay Dela Rosa, hindi naman ibig sabihin na nagpaputok ng baril si Jonalyn kaya nagpositibo ang test at maaari namang may ibang nagpaputok na katabi lang ni Jonalyn kaya ganun ang resulta.

Unang nagpahayag ng pagdududa ang pamilya ng biktima na baka dinoktor ng SOCO ang resulta para palabasin na nakipagbarilan si Jonalyn sa mga pulis at mga tanod kaya sila pinaulanan ng bala ng mga otoridad.

Siniguro ni Dela Rosa na hindi magagawa ‘yun ng SOCO dahil para aniyang mga doktor ang mga ito na may professional oath na pinaninindigan at maski ang PNP chief ay hindi kayang diktahan ang SOCO.

Dagdag pa ng hepe, ang pagsasagawa ng paraffin test ay bahagi lang ng proseso para maging patas ang imbestigasyon sa lahat ng mga biktima at mga akusado. (Red Fortaleza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?