1,867

Nov 25, 2017 @ 12:53
By

Paraan para makaiwas sa sakit sa bato

Alam n’yo bang ang susi sa maayos at malusog na pamumuhay ang pangunahing paraan upang mapanatili ng isang tao ang normal na kondisyon ng kanyang vital organs, kabilang na ang kidney o bato?

Ayon kay Dr. Edwin Tan, nephrologist, kadalasang pinag-uugatan ng sakit sa bato ang iba’t ibang uri din ng sakit tulad ng diabetes, hypertension, pamamanas at urinary tract infection o UTI.

Dapat maging maingat ang lahat sa pagpili ng kanilang mga kinakain at dapat sapat lamang ito sa pang-araw-araw na kailangang sukat ng katawan.

Ilan sa mga dapat iwasan ay ang mga pagkaing sobrang maaalat, matataba o mamantika at matatamis.

Makakabuti ang regular na magpatingin sa doktor at sumailalim sa urinalysis o pagpapatingin ng ihi upang maiwasan ang posibleng paglala ng mga sakit.

Ang sakit sa kidney o bato ay maaaring may sintomas na makikita o wala, na malalaman na lamang kung kailan huli na ang lahat.

Samantala, binigyang-linaw din ni Dr. Tan na ang ilang mga paniniwala na walang kaukulang pag-aaral o scientific basis, kung saan sinabi nitong hindi totoo na nakagagamot sa mga may sakit sa bato ang pag-inom ng sabaw ng buko.

Aniya, mataas ang potassium at sugar content nito kung kaya’t mas lalo pang makasisira ang pag-inom nito sa halip na makatulong sa mga taong may sakit na sa bato at diabetes.

Maging ang pag-inom din ng tubig ay dapat nang bawasan at hindi lalampas sa isang litro sa buong araw sakaling hindi na normal ang trabaho ng bato sapagkat hindi na umano nito makakayang ilabas pa ang tubig. Ang tubig ay mananatili na lamang sa loob ng katawan na magiging dahilan ng lalo pang pagmamanas ng pasyente.

Kaugnay nito, mahigpit niyang ipinapayo sa publiko, anuman ang edad, na pag-ibayuhin ang pag-iingat at dapat pangalagaan ang mga bato dahil ito ang pangunahing bahagi ng katawan na naglalabas ng mga lason sa katawan.

Bagama’t kailangan lamang ng isang bato o kidney ng isang tao upang mamuhay ng normal, mahigpit pa rin ang paalala niya na mas mainam pa rin kung parehong malusog ang dalawang kidney.

Kaugnay naman sa mga taong nagbebenta ng kidney, nakasasama rin sa katawan ng tao o may malaking epekto ang pagpapaalis ng isang parte ng kidney kung saan hindi magiging normal ang daluyan ng katas ng kinain na posibleng maging mapanganib na sakaling mapuno ito, ay aapaw sa nag-iisang kidney na posibleng pagmulan ng nakamamatay na sakit.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?