115

Feb 25, 2020 @ 18:22
By

Paraan ng paglagay ng abo sa deboto pinaubaya sa mga pari

Nasa desisyon na umano ng mga pari kung kanilang ipapahid sa noo o ibubudbod sa ulo ang abo sa mga Katolikong dadalo sa Ash Wednesday bukas, Pebrero 26.

Ayon kay Archbishop Honesto Ongtioco, Archdiocese ng Cubao, kanila nang ipapaubaya sa mga pari ang pagdedesisyon kung ano ang nais nila dahil hindi naman mawawala ang sagrado ng pananampalataya kung magkakaroon ng pagbabago sa dati nang nakagawian.

Hindi aniya niya maaaring hadlangan ang anumang pamamaraan na gagawin ng mga pari para sa paglalagay ng abo.

Magugunitang nag-isyu ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ng karagdagang ‘liturgical guidelines’ at pag-iingat sa kanilang circular dahil sa novel coronavirus disease 2019 (COVID-19) ngayong nalalapit na Holy Week.

Sa Circular No. 20-06 na inisyu nitong February 20, 2020, nirekomenda ng CBCP ang pagbudbod o pagdidilig ng ‘blessed ash’ sa ulo sa gaganaping Ash Wednesday, gaya ng pagsasagawa ng baptismo.

Una na ring pansamantalang pinagbawal ng CBCP ang paghalik o paghawak sa krus sa Celebration of the Passion of the Lord sa Good Friday, at sa halip ay hinikayat nito ang mga deboto na na yumuko na lamang.

Naglabas na rin ang CBCP ng “oratio imperata” o obligatory prayer laban sa COVID-19.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?