36

Oct 21, 2021 @ 15:35
By

Para sa visa! Bebot pineke dokumento sa US Embassy, timbog

Imbes na sa Amerika mapunta, sa selda ang bagsak ng isang bebot matapos niyang magsumite ng pekeng dokumento sa US Embassy.

Kinilala ang suspek na si Raven Gay Dablo, ng Bgy. Lagtang, Talisay City, Cebu.

Ayon sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Miyerkoles, nasakote ang 22 anyos na suspek sa isinagawang entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI).

Batay sa report, nakalusot si Dablo sa tatlong ahensya ng pamahalaan kung saan kailangan niyang kumuha ng dokumento ngunit hindi naman siya nakalampas sa mga taga-US Embassy.

Ayon sa ulat, ginamit ng supek ang identidad ni Sheny Mae Liza, isang green card holder sa Amerika ang ama, para makakuha siya ng mga dokumento sa Department of Foreign Affairs, Land Transportation Office, at NBI.

Nakatakda na umano sanang kumuha ng US visa ang bebot ngunit sumabit ng ginamit niya ang kanyang litrato sa aplikasyon.

Natuklasan ng US Embassy ito at humiling sa NBI na magsagawa ng background check sa suspek.

Doon na nabunyag ang pamemeke ng dokumento ng bebot.

Dahil dito, mahaharap si Dablo sa kasong paglabag sa Philippine Passport Act of 1996, Cybercrime Prevention Act of 2012, at falsification by a private individual.

Kasalukuyang nasa kustodiya na ng NBi ang suspek.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?