82

Oct 19, 2017 @ 16:44

Para sa turismo: “Bring Home a Friend”, binuhay ng DOT

Binuhay ng Department of Tourism (DOT) ang kampanyang “Bring Home a Friend” (BHAF) to the Philippines sa hangad na mapaigting ang industriya ng turismo sa bansa na mainam para sa ekonomiya.

Ang kampanya ay pormal na inilunsad sa isang seremonya na idinaos sa isang mall sa lungsod ng Pasay na dinaluhan ng mga cultural performer at Pilipinong mang-aawit.

“[W]e unveil the most anticipated return of a widely successful incentive travel program which was first launched by former Tourism Secretary Mina Gabor in 1994, the Bring Home a Friend,” ang pahayag ni DOT Sec. Wanda Tulfo-Teo.

Paliwanag ni Teo, ang BHAF ay isang reward program na layong itaguyod ang pagbiyahe sa Pilipinas sa pamamagitan ng paghimok sa mga Pilipino o mga expatriate na nasa Pilipinas na mag-imbita ng mga kaibigan sa ibang bansa.

Para makahikayat, may mga papremyo na inihanda ang DOT para sa nag-ayang Pilipino o sponsor at sa inimbitahang traveler.

“Bring Home a Friend is our shout-out to the world to come and see the Philippines: a country of diverse cultures, rich traditions, and unrivaled biodiversity,” dagdag ni Teo.

Layunin aniya ng DOT na makakuha ng positibong tugon sa programa mula sa Estados Unidos, Japan, Middle East at Hong Kong kung saan maraming mga Pilipinong nagtatrabaho. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?