1,398

By

Para niyo akong ginagago – Duterte sa DAR officials

Namemeligrong masibak sa puwesto ang mga opisyal at tauhan ng Conversion Office ng Department of Agrarian Reform (DAR) dahil sa mabagal na pag-aksiyon sa kanilang trabaho.

Sa kanyang talumpati sa annual assembly ng Provincial Union of Leaders Against Illegality sa Lucena City, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na inabot ng dalawang taon ang proseso sa isang conversion ng lupa mula sa agricultural patungong commercial.

Pero nang ipa-follow up aniya nito kay dating Special Assistant to the President Bong Go ang usapin ay nagawa ito sa loob lamang ng apat na araw.

Dahil dito, nainis ang Presidente at binantaang sisibakin ang mga nasa Conversion Office ng DAR.

“Yung conversion from agriculture to commercial, it took them two years to process it. Nung sabi ko na tanungin mo, in four days time lumabas na. So kung nakikinig sila diyan sa conversion office ng DAR, better prepare because you are fired,” anang Pangulo.

Kung hindi aniya madala ang mga opisyal at tauhan ng nabanggit na tanggapan ay kasuhan na lamang ang mga ito.

Hindi nagustuhan ni Pangulong Duterte ang tila pangga-gago ng Conversion Office dahil kahit panay-panay ang warning ay tila hindi sineseryoso ng nabanggit na tanggapan.

“Kung hindi kayo ano, kasuhan ko kayo. Pag hindi kayo natakot sa kaso, patayin ko na lang kayo. Ganoon din eh patiisin mo ako, para mo akong ginagago kasi. You know, you take me as a stupid idiot. Warning ako nang warning ng ganoon tapos you do it again and again,” dagdag pa ng Pangulo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?