54

Dec 25, 2017 @ 18:37
By

Para may pang-aginaldo sa apo: Lolo pumasada ng Pasko, dedbol

Sa pagnanais na may maibigay na aginaldo sa kanyang mga apo, sa halip na magpahinga matapos ang Noche Buena ay ipinasada ng 63-anyos na lolo ang kanyang tricycle subalit namatay ito habang sugatan naman ang kanyang pasahero nang banggain ang kanyang sasakyan ng rumaragasang taxi sa Quezon City, Linggo ng madaling-araw.

Kinilala ni P/Supt. Rodelio B. Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), ang biktima na si Mario Diaman, 63-anyos, may asawa at nakatira sa Barangay Socorro, Quezon City.

Siya ay namatay noon din sanhi ng tinamong malalim na sugat sa ulo at pagkabasag ng bungo dahil sa lakas ng pagkakabangga ng nasalubong na taxi.

Sugatan naman ang kanyang pasahero na nakilalang si Nixon Delos Santos, nasa hustong gulang, at ngayon ay ginagamot sa Quirino Memorial Medical Center

Nahaharap naman sa kasong reckless imprudence resulting to homicide, damage of property at physical injuries ang taxi driver na nakilalang si Ralph Yurag, 28-anyos.

Batay sa imbestigasyon ng Quezon City Police District-Sector 3, ang insidente ay naganap dakong alas-12:15 ng madaling-araw sa kahabaan ng P. Tuazon corner EDSA.

Ayon sa report, kapwa mabilis ang takbo ng tricycle at taxi nang magsalpukan kaya naghiwa-hiwalay ang parte ng tricycle at tumilapon si Diaman habang ang taxi ay bumangga pa sa poste ng Meralco.

Nabatid sa maybahay ng biktima, pagtapos nilang mag-Noche Buena ay nagpaalam ang kanyang mister na bibiyahe muna para may maibigay siyang aginaldo sa kanilang mga apo at sa mga batang kapitbahay nila na nakagawian na ang mamasko sa kanila tuwing Disyembre 25.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?