16

Sep 27, 2020 @ 11:34

Para masaya Pasko, GCQ panatilihin sa Metro Manila hanggang Oktubre – doktor

Sabi ng isang public health expert, para makapagsaya ang mga Pinoy pagdating ng holiday season, panatilihin ang general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila hanggang dulo ng Oktubre.

“Ang problema dito, padami kasi ang sasakyan at saka tao na mamamasyal during the holiday season. Mas maganda, i-control mo pa para ‘pag nagsaya ang tao during the holiday season, meron kang sandbag na tinatawag, at medyo naibaba mo,” wika sa ABS-CBN’s TeleRadyo ni Dr. Tony Leachon, dating adviser ng pandemic task force ng gobyerno.

“Kasi kung luluwag ka ngayon, lahat okay ka na, permissive socioeconomic activities, tapos alam naman natin ang cultural quotient ng mga Pilipino, ‘pag may event lang, naglalabasan na, baka magka-surge ito na aabot ng Christmas season,” aniya pa ngayong Linggo.

Sang-ayon aniya siya sa kagustuhan ng mga alkalde sa rehiyon, maging sa rekomendasiyon ng mga UP expert na GCQ status nang isa pang buwan.

“Ang gusto nila (Metro Manila mayors), 1 month muna – Oct. 1 hanggang Oct. 30 – at ako rin, personally… at si Dr. Benjie Co, at saka UP OCTA Research Group, na GCQ muna tayo nang 1 month to pave the way for a very nice Christmas,” sabi pa ni Leachon.

Ayon sa doktor, ang virus reproduction rate–ang dami ng tao na nahahawa ng isang COVID-19-positive na pasyente–ay kasalukuyang nasa .82 nationwide at .73 sa Metro Manila.

Mas mababa ito sa ideal “1,” na nangangahulugang tuluyan pang hihina ang virus.

Samantala, ang positivity rate naman ng Pilipinas, o ang bilang ng mga nagpopositibo sa coronavirus, ay “mataas” pa rin ayon kay Leachon dahil nasa 3,000 bagong kaso ang inuulat kada araw.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?