932

Oct 2, 2019 @ 17:28
By

‘Para kang tambay’: Hilbay pinangaralan si Duterte sa hazing

Sinermunan ni dating senatorial candidate Florin “Pilo” Hilbay si Pangulong Rodrigo Duterte nang sabihin nitong “hindi maaalis” ang kultura ng hazing sa bansa kahit pa nilagdaan nito ang Republic Act 11053 o ang Anti-Hazing Act noong 2018.

Bago kasi umalis si Pangulong Duterte papuntang Russia, nagbitaw ito ng mga pahayag na inaaming biktima rin siya ng fraternity hazing, at hindi umano ito mapipigilang lumaganap.

“You know, ikaw pumasok ka, ‘pag nahuli ka, sorry ka. Hindi mo talaga matanggal ‘yan, ma’am. Unless you ban fraternity for all time. Make it a criminal offense by joining a fraternity. But that would raise so many constitutional issues. Hindi mo talaga mapigilan ‘yan,” ani Pangulo.

Dapat umano, saktong panghe-hazing lang ang gawin ng mga institusyon o grupo.

“‘Yong tamang-tama lang. ‘Yong madala sa ospital mabuhay, ‘wag naman ‘yong mamatay. Pero ‘di mo maalis ‘yan.”

Inamin din ni Duterte na maging siya ay biktima ng hazing ng Lex Talionis Fraternitas noong nasa San Beda College of Law pa ito.

“I was hospitalized for 3 days,” aniya.

Hindi natuwa si Hilbay sa tila pangungunsinti ng pangulo sa pambubugbog.

“Mr. President, kaya nga nagpasa ng batas eh para ipagbawal ang hazing at parusahan ang mga nagkasala,” tweet niya kahapon, Oktubre 1, 2019.

“Your job as chief executive is to implement the law and pursue justice for the victims,” dagdag niya.

Matatandaang parehong abogado ang dalawa, pero mistulang “tambay” umano ang pangulo sa binitawang pahayag.

“Para kang tambay lang kung magbigay ng opinyon eh,” aniya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?