13

Oct 1, 2020 @ 13:43
By

Para iwas-burnout, workload ng mga guro bawasan – Gatchalian

Ilang araw bago magsimula ang klase sa mga pampublikong paaralan, nagpaalala si Senador Win Gatchalian na hindi dapat matabunan ang mga guro ng ibang gawain bilang paghahanda ng pagpapatupad sa distance learning.

Nagbabala ang senador na kung patuloy na matatabunan ng mga gawain ang guro, maliban sa pagtuturo, ay lalo silang makakaranas ng stress at burnout.

Sa bandang huli, ang kalidad ng pagtuturo para sa mahigit dalawampu’t dalawang (22) milyong mag-aaral sa mga pampublikong paaralan ang maaapektuhan.

Ayon kay Gatchalian, ang pangangalaga sa kapakanan ng mga guro ay isang pagkilala sa sakripisyo nila upang maipagpatuloy ang edukasyon sa gitna ng pandemya.

Nauna nang tinalakay sa pagdinig sa Senado ang workload ng mga guro ang isa sa mga isyung tinalakay sa isang pandinig sa Senado ukol sa pagbubukas ng klase.

Sabi ni Philippine Elementary School Principals Association (PESPA) president Dr. Ferdinand Millan, dapat maghinay-hinay ang Department of Education o DepEd sa pagbibigay ng iba pang mga gawain o aktibidad sa mga guro upang hindi sila mapagod.

Sa naturang pandinig, napag-alaman ni Gatchalian na ang mga guro at punong-guro ay nagsasagawa ng “multi-tasking” bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase sa Lunes, ika-5 ng Oktubre.

Bukod kasi sa paghahanda ng mga learning materials tulad ng self-learning modules, kailangan ding makibahagi ng mga guro at punong-guro sa mga webinar at mga courses sa iba’t ibang pamamaraan ng pagututuro.

“Ang ating mga guro at punong-guro ay maituturing nating mga frontliners sa pagpapatuloy ng edukasyon sa kabila ng banta ng COVID-19. Bahagi ng ating pangangalaga sa kanilang kapakanan ay ang panigurong hindi sila natatabunan ng napakaraming gawain,” sabi ni Gatchalian.

“Kung sa simula pa lang ng klase ay pagod na ang ating mga guro, hindi magiging lubusang mabisa ang pagtuturo kung hindi sila nakatutok nang husto dito,” dagdag pa ng chairman ng Senate committee on basic education, arts and culture.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?