62

Mar 19, 2020 @ 23:09
By

Para ‘di matulad sa Wuhan: Media payagang mag-ikot kahit walang PCOO ID

Tinututulan ng mga media organization, diyarista academics at press freedom advocate ang pag-oobliga sa mga reporter na kumuha ng accreditation sa Presidential Communications Operations Office (PCOO) na pinamumunuan ni Martin Andanar para makaikot sa community quarantine area at maglabas ng balita.

Sa isang joint statement, sinabi ng 15 organization at 41 na indibiduwal na mga manunulat at mga academic na hindi kailangan, unreasonable at labag sa saligang batas ang pag-require sa mga journalist na kumuha ng accreditation sa PCOO.

Si Andanar ay son-in-law ni Las Piñas City Mayor Mel Aguilar na pinapila ang mga tao sa harap ng Las Piñas City Hall para bigyan ng ayuda na galing sa calamity fund ng lungsod.

Nilabag ang social distancing sa nangyari, pinahirapan ang mga tao na nasa pila ng ilang oras at pinalabas pa sa kanilang mga tahanan na pinagbabawal ng Malacañang dahil kumakalat na ang COVID-19 sa bansa.

Ginagarantiya ng Bill of Rights sa Constitution na hindi dapat nagpapasa ng batas na magkokompromiso sa freedom of speech, expression of the press o ang karapatan ng mga taong magtipon-tipon para singilin ang pamahalaan sa mga pagkakamali nito.

Ginagarantiya din nito ang karapatan ng mga tao sa impormasyon sa mga bagay na may kinalaman sa kanila.

Bagama’t kinikilala na seryoso ngayon ang sitwasyon, hindi kinakailangan ang accreditation at nilalabag nito ang karapatan ng mga manunulat. Kahit pa marami na ang nag-apply nito para makapag-cover, hindi dapat pigilan ang mga dyaristang walang PCOO accreditation kung mayron naman silang valid press ID.

Ang mabilis na pagdadala ng balita ay mahalaga ngayon para madaling malaman ng mga tao ang pangyayari at magkaroon sila ng impormasyon para makalampas dito at hindi kailangan pang matulad sa Wuhan kung saan nagmula ang COVID-19.

“We cannot end up like Wuhan, where the outbreak began. We will never know exactly what happened there and even exactly how many people died because of the extreme restrictions imposed on the delivery of information,” sabi sa joint statement.

Dagdag pa nito, ang media ay frontline service providers din at alam nito kung paano gawin ang kanilang trabaho at pangalagaan ang kanilang sariling kalusugan at kalusugan ng kanilang mga kamag-anak.

Sabi sa joint statement, nakababahala ang maaaring pag-abuso ng accreditation para kontrolin ang daloy ng impormasyon lalo na’t inaapi ng administrasyong Duterte ang mga media na pumupuna dito. Ang statement ay pinirmahan ng mahigit 20 organizations at mediamen.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?