100

Jan 17, 2020 @ 10:32
By

‘Para ‘di bumalik, mga nagsilikas bigyan ng tirahan, trabaho sa labas ng Taal Volcano Island’

Hinihiling ng mga nagsilikas na residente ng Taal Volcano Island na bigyan na sila ng pamahalaan ng permanenteng kabuhayan at matitirahan sa labas ng isla, upang hindi na sila mapilitan pang bumalik at manirahan doon kahit pinagbabawal ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Philvolcs) at ng gobyerno na manirahan sa isla.

Ang buong isla ng Taal ay deklaradong “permanent danger zone,” pero tinatayang nasa mahigit apat na libong katao ang naninirahan at namumuhay doon sa pamamagitan ng pangingisda, paghahalaman, paghahayupan at turismo.

Matapos magsilikas noong Linggo, Enero 12, nang unang sumabog ang bulkan, may ilang mga kalalakihang residente ang palihim na nagbabalikan sa isla upang tingnan ang kanilang mga naiwang alagang hayop sa paglikas.

Nitong Huwebes, Enero 16, sa Barangay San Isidro, sakop ng Talisay sa isla, natiyempuhan ng Frontpage weekly na sumama sa search and rescue operation ng Philippine National Police (PNP) – Maritime Group ang ilang residente na nagsibalikan.

Ayon sa mga ito, sa kabila ng kalunos-lunos na sinapit ng kanilang komunidad na tila matatagalan bago makabangon, maghihintay umano sila na makarekober ang isla kapag tumahimik na ang bulkan at muli silang maninirahan doon sa kabila ng panganib.

Maliban na lamang kung bibigyan sila ng pamahalaan ng ibang mga kabuhayan malayo sa lugar.

“Kahit ho kami dine ay tulog-manok, at laging nag-aalala sa kalagay ng bulkan, wala ho kaming magagawa at narito ang aming mga kabuhayan ayon kay Mario Baltazar na isa sa mga residente.

“Kung ire-relocate kami ng pamahalaan at wala namang ibibigay sa aming mga hanapbuhay ay baka ho dito na lamang kami uli magsibalikan,” dagdag pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?