184

By

Papal Nuncio, inimbitahan si Duterte sa Papal Day

Sharing is caring!

Binigyan ng imbitasyon ng sugo ni Pope Francis si Pangulong Rodrigo Duterte para dumalo ngayong Biyernes sa bisperas ng Papal Day kaugnay sa pagnanais ng Malacañang na makipagdayalogo sa Simbahan para maayos ang gusot na nilikha ng maaanghang na puna ng Presidente sa Diyos at sa Bibliya.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, nagpadala aniya ng imbitasyon ang Papal Nuncio kay Pangulong Duterte na ipinadaan sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Gayunman, sinabi ni Roque na hindi pa niya nakita ang imbitasyon pero ipaparating niya ito kay Pangulong Duterte na kasalukuyang nasa Davao City.

“Ang Papal Nuncio daw po ay nagbigay ng imbitasyon para kay Presidente na dumalo ngayong Biyernes sa bisperas ng Papal Day. Ipararating naman namin itong imbitasyon kay Presidente bagama’t ako po mismo hindi ko nakikita ‘yung imbitasyon kung meron. Ipinadala raw ito sa DFA kaya pinapa-check ko para maiparating sa Presidente,” ani Roque.

Si Italian Archbishop Gabriele Giordano ang kasalukuyang Papal Nuncio sa Pilipinas, ang opisyal na kinatawan ng Vatican sa bansa.

Kaugnay naman sa panawagang magkaroon muna ng ceasefire ang Pangulo sa kanyang mga banat sa Simbahan, sinabi ni Roque na mayroon nang isinusulong na proseso ng dayalogo at gusto rin aniya ng Pangulo na makipag-usap para maplantsa ang iringan at mapaghilom ang malalim na sugat nito sa mga pari.

“Inaasahan naman po natin na mayroong dayalogo, huwag na nating tawaging ceasefire kundi sabihin na lang natin dahil mayroong proseso ng dayalogo, gusto ng Presidente rin na makipag-usap, makipag-ugnayan sa lahat ng mga yan,” dagdag pa ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?