1,911

Oct 12, 2017 @ 17:47

Panunumbat ni Sarah Duterte, pinalagan ng Senate minority

Umalma ang mga opposition senators na sina Senador Risa Hontiveros, Senador Francis “Kiko” Pangilinan at Senador Bam Aquino sa panunumbat sa kanila ni Presidential daughter Sarah Duterte.

Inamin ni Trillanes na lumapit siya noon kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil hindi pa niya  alam na ito pala ay mamamatay tao at magnanakaw.

“Ang mga panunumbat ni Mayor Sara Duterte ay nung hindi ko pa kilalang mamamatay tao at magnanakaw ang tatay nyang si Pres. Duterte,” saad ni Trillanes.

Iginiit ni Trillanes na sa halip na manumbat ay makabubuting pumirma na lamang ng waiver sa bank secrecy law ang pamilya Duterte para patunayang wala itong ibinulsang pera ng bayan.

Nagpapasalamat naman si Hontiveros  sa naging tulong ni Pangulong Duterte noong kampanya pero hindi aniya ito dapat maging dahilan para isuko niya ang kanyang mga prinsipyo laban sa mga isyu ng pag-abuso sa karapatang pantao, extrajudicial killings, at madugong gera kontra droga.

Ipinaliwanag ng senadora na ang kanyang mga kritisismo sa administrasyon ay bahagi ng umiiral sa check and balance na naglalayong mapigilan ang pagabuso sa kapangyarihan at mapabuti ang pamumuno sa bansa.

“I harbor the Mayor no ill will and I wish her well. But this is not a question of loyalty,” saad ni Hontiveros.

Binigyang-diin naman ni Pangilinan na marunong syang tumanaw ng utang na loob sa mga tumulong sa kanya noong halalaan at sa katunayan aniya ay ilang proyekto din ang inilaan niya sa Davao sa dalawang termino niya noon sa Senado.

“Subalit ang tungkulin natin sa bayan at sa kapwa PIlipino ay mas matimbang sa anumang pagkakaibigan. May hangganan din ang tumanaw ng utang na loob,” sabi naman ni Pangilinan. (Dang Samson-Garcia)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?