65

Nov 8, 2017 @ 16:42
By

Panuntunan sa paghawak ng nasamsam na iligal na droga, inilabas ng BOC

Kasunod ng kontrobersiyang nilikha ng pagkakapuslit sa bansa ng P6.4 bilyong shabu shipment, nagpalabas ng panuntunan ang Bureau of Customs (BOC) kaugnay sa tamang paghawak ng mga nasasamsam na iligal na droga.

Ang panuntunan ay inisyu ni BOC Commissioner Isidro Lapeña na dating naging hepe ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Sa ilalim ng Memorandum 2017-11-004 na pirmado ni Lapeña, ang lahat ng mga hinihinalang iligal na droga at controlled precursor and essential chemicals (CPECs) na nadiskubre sa hurisdiksiyon ng BOC ay kinakailangang agad na iulat sa Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (CAIDTF) para sa maayos na koordinasyon sa PDEA.

“All shipments found to contain DD (dangerous drugs) and/or CPECs within the jurisdiction of the BOC and intended for controlled delivery, the PDEA shall be the lead agency,” ang nakasaad sa memorandum.

Binigyang-diin pa ni Lapeña na ang PDEA ang pangunahing ahensya ng gobyerno pagdating sa mga nahuhuling iligal na droga.

Matatandaan na mainit na natalakay sa pagdinig ng Senado ang umano’y hindi maayos na paghawak ng BOC sa mahigit 600 kilo ng shabu na nasamsam mula sa isang warehouse sa Valenzuela.

“To avoid glitch in drug operations, make way and let PDEA stand in front because when it comes to drugs, they know better,” giit ni Lapeña.

Dagdag pa ni Lapeña, importanteng masunod ang itinatakda ng Republic Act 9165 at Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

“Ignorance of the law excuses no one. Let us follow the law and the proper protocol. However, let me also urge our BOC operatives to be always on tight guard so that we can suppress all drug importations right at the port of entry,” pagtatapos pa ng opisyal. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?