36

By

Panuntunan sa pagdalo ng mga mahistrado sa Kamara, inilabas ng SC

Sharing is caring!

Naglabas na ng panuntunan ang Korte Suprema kaugnay ng gagawing pagdalo ng mga mahistrado at iba pang opisyal ng Kataas-taasang Hukuman sa impeachment proceedings laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Ayon kay Supreme Court (SC) Spokesperson Atty. Theodore Te, limitado lamang sa dalawang puntos ang guidelines ng Korte Suprema na binalangkas ni Associate Justice Antonio Carpio.

Kaugnay sa isyung pang-administratibo, binibigyan ng Korte Suprema ng pahintulot ang sinuman sa mga inimbitahang dumalo sa pagdinig ng Kamara de Representantes na dumalo sa impeachment proceedings.

“As regards testimony on administrative matters, those who are invited to testify on administrative matters may do so if they wish. The court is not requiring them but the court is granting them clearance if they so wish to appear and testify on administrative matters,” paliwanag ni Te.

Sa isyu naman ng mga kasong nadesisyunan ng Korte Suprema, tanging si Associate Justice Teresita de Castro lamang ang pinayagan na magbigay ng testimonya sa Kamara.

Pero ang kanyang pagtestigo sa impeachment hearing ay limitado lamang sa mga sumusunod:

1. Kaugnay sa pagpapalabas ng temporary restraining order (TRO) sa kaso ng Senior Citizen Party List noong 2013, ang ilalahad ni De Castro ay dapat na limitado lamang sa palitan nila ng komunikasyon ni Sereno at hindi sa mga bagay na tumutukoy sa deliberasyon ng merito ng kaso;

2. Kaugnay sa kaso ng clustering ng mga nominado sa posisyon sa Hudikatura na kinasasangkutan ng Judicial and Bar Council, pinayagan si De Castro na talakayin ang merito ng kanyang main decision, pero hindi dapat mabanggit ang deliberasyon na pinagbatayan ng desisyon;

3. At kaugnay naman sa nominasyon noon ni dating Solicitor General Francis Jardeleza bilang mahistrado ng Korte Suprema, dapat na tumutok lang ang testimonya ni De Castro sa kanyang separate concurring opinion at hindi dapat maisama sa kanyang diskusyon ang tungkol sa deliberasyon ng Korte Suprema sa nasabing kaso. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?