73

Oct 11, 2021 @ 14:13
By

Panukalang regulasyon sa kumbersyon ng lupang sakahan umusad sa Kamara

Inendorso ng House Committee on Agrarian Reform sa plenaryo ng Kamara de Representantes ang panukalang regulasyon sa kumbersyon ng lupang sakahan sa hindi agrikultural na paggamit.

Ang ulat ng komite sa panukalang Agricultural Land Preservation Act (House Bill 10303) ay ipinadala na sa House Committee on Rules.

Sa ilalim ng panukala, ang Department of Agrarian Reform (DAR) at Department of Agriculture (DA) sa tulong ng iba pang ahensya ng gobyerno ay babalangkas ng pamantayan sa kumbersyon ng agricultural sa non-agricultural use.

Ang DAR at DA ay magsasagawa ng pag-aaral sa epekto ng gagawing kumbersyon sa sektor ng agrikultura. Kasama rito ang mga taniman na daraanan ng mga proyekto ng gobyerno.

Gagawa rin ang dalawang ahensya ng mga education program para maipakita sa publiko ang kahalagahan na malinang ang lupang sakahan sa bansa.

Ang DAR at DA ay pinagsusumite rin ng ulat sa Kongreso tuwing Enero 31 ng bawat taon kaugnay ng mga lupa na hindi na ginagamit na taniman at ang epekto nito. (Billy Begas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?